Sabado, Oktubre 1, 2011

Maikling Kwento - "Computer Shop"

Ang pamilya ay binubuo ng nanay, tatay, at mga anak o anak. Sa panahon ngayon marami na ang pamilya na hindi buo o hindi kumpleto. Masakit sa isang anak ang sitwasyong ganyan. Lumalaki ka na hindi mo kapiling ang iyong tatay o nanay o kaya minsan ay parehas mong hindi kapiling ang iyong mga magulang.

Isa si James Leo sa mga kabataan na ganyan ang sitwasyon ngayon. Bunso si James Leo sa tatlong magkakapatid. Bata pa lamang ay hindi na nila nakapiling ang kanilang ama dahil naghiwalay ang kanilang mga magulang. Sabi-sabi ay may iba na nga daw pamilya ang kanilang ama. Ngunit kahit na ganoon ang buhay nila, siya pa rin ang pinakanangunguna sa kanilang klase sa elementarya. Ngunit nang siya ay pumasok na ng hayskul, siya ay naimpluwensiyahan ng kanyang mga kaklase na ganoon din ang sitwasyon, hindi kumpleto ang pamilya. Kaya madali nga silang nagkasundo ng kanyang mga kaibigan. Napabayaan na niya ang kanyang pag-aaral. Bumaba ang kanyang mga marka.

"Tara James Leo, punta tayo sa computer shop.. naghahamon yung kabilang section.. tara." yaya ng isa niyang kaibigan. "Pero,may mga assignments pa tayo na dapat ipasa bukas." Sabi ni James Leo sa kaibigan. "Nako James Leo, bukas na lang yun, makikopya na lang tayo sa iba nating kaklase." Pumayag na nga si James Leo na sumama sa kanila. Nawili si James Leo kakalaro at hindi na niya namalayan ang oras. Pag-uwi niya sa bahay ay puro sigawan ang kanyang narinig.

"Wala nga akong pera! Pede ba na magbigay uli tayo ng promissory note?" sabi ng kanyang nanay sa kanyang ate na humihingi ng pangtwisyon. "Nay, ilang beses na tayong nagbibigay ng promissory note. Hindi na nga tinatanggap ng skul namin e."

Hindi pa rin doon natapos ang pagtatalo ng mag-ina. Hindi man lang siya napansin ng kanyang nanay o mga kapatid man lang na ginabi na siya ng uwi. Dumeretso na lamang si James Leo sa kanyang kwarto.

Pumasok na nga si James Leo sa eskwelahan. Kahit na hirap bumangon ay pumasok pa rin siya sa eskwela. Nang pasahan na ng assignment….

"Pass your assignments forward." Sabi ng guro.

Hindi naalala ni James Leo ang pagggawa ng assignment. Habang nasa klase ay hindi nakikinig si James Leo sa leksyon ng kanyang guro. Parang wala sa sarili si James Leo sa mga oras na iyon. Nang uwian na nga, niyaya uli siya ng kanyang mga kaibigan. Hindi na nagdalawang isip pa si James Leo. Sumama agad ito sa kanila. Sa mga nakalipas na araw, ganoon pa rin ang nangyayari sa buhay ni James Leo. Patuloy pa din siya sa hindi pag-uwi ng maaga. Sa halip na umuwi ng maaga at gumawa ng kanyang takdang aralin ay naglalaro muna ito kasama ang kanyang mga kaibigan.

Dumating na ang araw ng unang pagsusulit nila. Hirap magsagot si James Leo dahil hindi siya nakapag-aral. Madaming blanko sa kanyang papel.

Kinabukasan, sinabi ng guro, "Bukas ay kuhanan na ng report card. Kinakailangan pumunta dito ang inyong mga magulang upang kuhanin ang inyong card at upang makausap na rin ako kung mayroon mang problema sa inyong marka." Kinabahan bigla si James Leo sa kanyang narinig. Naalala niya na madaming araw ang nakalipas na hindi siya umuuwi ng bahay upang mag-aral at gumawa ng takdang aralin. Ipinamigay rin noong araw na iyon ang kanilang pagsusulit para sa unang markahan. Bumagsak sa pagsusulit si James Leo. Bigla siyang nalungkot.

Umuwi ng bahay si James Leo. Nagkulong sa kanyang kwarto. Iniisip niya kung pano niya sasabihin sa kanyang ina na kuhanan na ng card kinabukasan. Biglang kumatok ang kanyang nanay. "James Leo, anung problema? Lumabas ka na dyan kakain na tayo." "Saglit lang po inay." Wika ni James Leo. Habang nasa hapag kainan, naisipan na sabihin ni Leo ang tungkol sa kuhanan ng report card.

Noong umaga, pumunta na ang kanyang nanay sa paaralan upang kunin ang report card. Laking gulat ng nanay niya sa nakitang marka ni James Leo. Hindi makapaniwala sa nakita. "Maam, baka nagkakamali lang po kayo sa pag compute ng grade ng aking anak."

"Yan po talaga ang marka ni James Leo. Bumagsak po siya sa exam at wala siyang napapasang takdang aralin." Sabi ng guro.

Umuwi na nga ang nanay ni James Leo. Hinanap si James Leo at kinausap. "James Leo, tignan mo ang marka mo ngayon. Bagsak. Anong nangyayari sayo? Hindi ka naman ganyan dati." Pagalit na wika ng ina. "Mali ko po talaga. Pinabayaan ko ang pag-aaral ko. Hindi ako umuuwi ng maaga para mag-aral. Simula ng nawala si Itay naging ganito na ko. Dapat po inintindi ko na lang ang sitwasyon natin ngayon. Dapat hindi ako nagpadala sa mga nangyari." Malungkot na wika ni James Leo.

"Naiintindihan kita anak. Pero sana wag mo pabayaan ang pag-aaral mo. Sana maintindihan mo na ginagawa ko ang lahat upang maayos ang pamilya natin kahit wala ang itay mo. Sana sa susunod ay hndi na ganito ang mangyayari?" Mahinahon na wika ng nanay. "Opo. Babawi po ako. Sorry po ulit."

Unti-unting bumawi si James Leo. Minsan ay napapsama pa rin siya sa mga kaibigan niya ngunit alam niya na ang kanyang limitasyon. Ginagawa na niya ang kanyang mga assignments. Nag-aaral na siyang mabuti gaya ng dati. Dahil dito nanguna ulit siya sa klase.

Tuwang tuwa ang kanyang ina. Simula noon, hindi na naging pabaya si James Leo at nakatapos siya ng High School bilang Valedictorian ng klase. Masayang umakyat ng enteblado si James Leo habang sinasabit ng kanyang nanay ang medalya niya.

Hindi lahat ng kabataan ngayon ay nabibigyan ng pagkakataon na makapag-aral. Kaya huwag nating sayangin ang pagkakataon na tayo ay napag-aaral sa magandang paaralan. Kung tayo ay hindi nagpapabaya sa ating pag-aaral, magiging masaya ang ating mga magulang dahil ang kanilang pagod at hirap ay hindi sayang.

3 komento: